“Unica Hija”, a short story I wrote in school five years ago
My sister and I talked about patents, copyrights, trademarks and plagiarism last night. I remembered this short story of mine (a school assignment) way back when I was in fourth year high school. Our teacher taught I copied it from a book! xD
It’s written in Filipino, by the way. :)
——-
“Unica Hija”
Nakasanayan na niyang tumambay sa ika-apat na palapag ng aming paaralan. Mag-isa, tahimik, malalim ang iniisip. Pero ngayong araw, noong umakyat ako sa palapag na iyon, nakita ko siyang umiiyak habang nakatitig sa isang larawan sa kanyang harapan. Hindi ko alam kung bakit, ngunit tila walang humpay ang pag-agos ng luha mula sa kanyang mga mata. Umatras ako, nagtago sa isang tabi, at nagnilay-nilay sa ilang bagay tungkol sa kanya.
Nakilala ko si Isabel noong unang taon ko sa hayskul. Magkaklase kami’t magkatabi. Siya ‘yung tipo ng taong masayahin at sobrang kulit. Minsan nga’y nabanggit niya sa akin na unica hija siya sa pamilya, kaya siya ganoon. Ayaw niya rin daw kasing nakakaramdam ng pag-iisa at pagkalungkot. Noong una, nagging mapagpasensya ako sa kakulitan niya. Pero ‘di nagtagal, mistulang sakit na nakakahawa ang asal niya.
Tinawag kaming “tandem sa kakulitan” sa aming klase. Kami lagi ‘yung abot-tainga ang ngiti kahit anong oras at araw. Parang wala kaming problemang pinapasan sa aming likod. Kumbaga, “happy-go-lucky¬” kaming dalawa.
Ngunit noong nasa ikatlong taon na kami, unti-unting “kumalma” si Isabel. ‘Di na siya nangungulit hanggang sa ika’y mabuwisit. Unti-unti na ring nawawala ang ngiti sa kanyang labi. Lumalabas na rin ang pagkaseryoso niyang ugali. Humihina na ang “tandem ng kakulitan.”
Sa mga panahon ding iyon nagsimula ang paglalagi niya sa ikaapat na palapag ng paaralan. Madalang kasi itong dinaraanan ng mga mag-aaral. Sa lugar ding iyon siya nakakahanap ng kapayapaan ng isip at puso. Sinusubukan kong samahan siya roon, ngunit nahihiya ako. Baka kung ano ang isipin ng ibang tao kapag nakita nila kami roon.
Pero iba na ang sitwasyon ngayon. Sa tingin ko’y talagang kailangan niya ng kaibigang masasandalan. Humugot ako ng lakas ng loob, huminga nang malalim, at lumakad patungo sa kanya.
Agad niyang pinunasan ang luha sa kanyang mga mata noong nakita niya ako. Naghanda na rin siyang umalis sa lugar na iyon at itinabi ang larawang hawak niya, pero sinabi ko kaagad, “Isabel, huwag kang umalis. Dito ka lang. May problema ba?”
Yumuko siya at tumahimik saglit. At bigla niyang winika, “OK lang ako. Huwag mo akong intindihin. Wala ‘to.”
“Hindi ka naman ganyan dati eh. Sigurado, may problema kang pinapasan. Imposibleng wala.”
“Hindi mo ako maiintindihan. Hindi mo ‘to problema!” pasigaw niyang sagot.
“Kaya nga nandito ako para tulungan ka! Parang ‘di tayo nagging magkaibigan ah!”
Napahikbi siya matapos nito. Umupo kaming pareho at sinalaysay niya sa akin ang buong kwento.
~~~
Suliranin pala sa pamilya ang hinaharap niya ngayon. Nangibang-bansa ang kayang ama noong bata pa siya. Bumalik siya noong nakaraang taon, pero nabalitaan nila ng kanyang ina na may kinakasama siyang ibang babae.
Araw-araw daw nag-aaway ang kanyang mga magulang Sa umaga’y lagi niyang nasasaksihan ang sigawan at tampuhan ng kanyang ama’t ina. Sa gabi naman, naririnig niya mula sa kanyang kuwarto ang kanyang ina na humahagulgol. Simula noon ay nag-isip siya ng paraan para maayos ang gusto na ito.
Nakiusap siya sa kabit ng kanyang ama na umalis na sa takbo ng buhay ng kanyang pamilya, ngunit tumanggi siya. Sabi niya, may anak sila ng kanyang ama. Ikinagalit niya ito, ngunit siya’t nagtimpi.
“Gagawin ko po ang lahat para lang umalis na kayo sa buhay naming. Kahit ano po,”, pagmamaka-awa ni Isabel sa kabit.
Kaya sa loob ng anim na buwan, nagpa-alipin si Isabel sa kabit. Inalagaan niya ang kapatid sa labas nang buong puso kahit na labag ito sa kanyang loob. Pinagsilbihan niya ang kabit nang maayos kahit na may liim nag alit ito sa kanya. Hindi ito alam ng kanyang mga magulang.
Pero ang lahat ng pinaghirapan niya’y mistulang napunta saw ala. Hindi pa rin tumitigil ang kabit sa panggugulo sa kanilang pamilya. Pilit niyang pinaghihiwalay ang ama’t ina niya. Hindi tuloy makabalik ang tatay niya sa ibang bansa dahil pilit din niyang inaayos ang problema.
~~~
Sa tingin ni Isabel, siya lang ang tunay na umaayos sa gusot na ito. Ang mga solusyon ng kanyang ama, laging palpak raw. Iyak lang daw nang iyak ang kanyang ina. Sa tuwing nagkaka-usap ang mag-asawa, nauuwi ito sa hindi pagkaka-unawaan. At ang kabit, tila linta na mahigpit ang kapit sa pamilya niya.
Ginagawa ni Isabel ang lahat. Pagod na pagod na siya, pero hindi niya alintana iyon. Gusto niya talagang matapos ang lahat, kaya siya umiiyak ngayon. Sinabi ko sa kanya, “Sige lang, Isabel. Umiyak ka lang. Pagkatapos niyan, giginhawa ka na ang makakaisip ng bagong paraan.”
Yumakap siya sa akin. Humagulgol siya nang malakas sa piling ko. Napaiyak rin ako sa tindi ng problemang kanyang hinaharap. Kasabay nito, pinagdarasal ko rin sa Diyos na sana maayos naang lahat sa buhay niya. Maibalik ang ngiti sa kanyang labi, at mabuo muli ang “tandem ng kakulitan”.